Entomolohiya sa Panahon ng COVID-19 – Ikalawang Bahagi: Ang mga lamok ba’y maaaring magdala ng SARS-CoV-2?

Sa unang bahagi ng seryeng ito, ibinahagi ko ang tanong na: Makakapagkalat ba ng SARS-CoV-2 ang mga insekto? Gaya ng nabanggit ko roon, mahirap sagutin ang tanong na ito sa ngayon. Unang-una, ang SARS-CoV-2 bago sa atin. Sa katunayan, ang naunang pansamantalang pangalan nito ay nCoV o novel coronavirus, ibig sabihin bago talaga. Sabihin pa, sinisiyasat pa ng syensya ang lahat nitong anggulo, at sa kabutihang-palad, tila napakabilis ng mabubuting kaganapan lalo na sa mga pinaka-kagyat ng aspeto. Pangalawa, wala pang hakbang tungkol sa pagtukoy at pagtalâ ng pagkakaroon o pagtataglay at ng tagal ng bisà ng mga kapurit ng bayrus sa mga panahanan (hosts) maliban sa mga tao, paniki o kabag, at mga balintong (pangolins) at sa ibabaw ng ilang material tulad ng mga plastik, tela, at metal. Karamihan ng mga mababasang artikulong may pagtalakay sa paksang ito ay mas malamang ang haka-haka at malimit ay nanghihikayat lamang ng mga kliyente o kostumer upang tangkilikin ang mga serbisyong pagpuksa ng mga peste. Sa kasalukuyang kalagayan ng ating ekonomiya, maaaring mabuting bahagi ng kalinisan ang pagpuksa ng mga pesteng kulisap, subalit hindi maaaring maging pangunahing pagkakagastusan ng nakararami.

Nabanggit ko na rin na layunin nitong serye ang makatulong mabawasan ang pag-aalala ng mga tao at nang sa gayon ay maituon ang pansin at gawain para makatugon sa panawagang ‘flatten the curve.’ Pansamantala ang mga sagot, pero ang maganda rito, pananaw ito ng isang dalubkulisap o entomologist – isang taong nag-aaral ng mga insekto. Nakabatay ang mga sagot sa mga pangkalahatang kaalaman tungkol sa buhay at gawi ng mga kulisap at ng mga papel na ginagampanan nila sa pagpapakalat ng sakit na nakakahawa, at sa ngayon ay kung anong alam na, kahit limitado pa, ukol sa mga sampol galing sa klinika na positibo sa coronavirus. Bagaman at pansamantala ang mga sagot, inihayag ang mga ito bilang mga pamunuhà o mga hypothesis. Kailangang subukan o testingin ang mga pamunuhà upang makakalap ng mga ebidensyang syentipiko o mula sa mga eksperimento, kung maaari ay isang koponang binubuo ng isang entomologist, medical epidemiologist, at molecular biologist-virologist.

Tingnan natin, mga lamok muna

May tatlo o higit pang sarihay o uri ng lamok, Aedes aegypti (L.), Aedes albopictus (Skuse), at Culex spp., ang kabilang sa mga insektong sumisipsip ng dugo at kilalang nagdadala ng mga kurubyo o bayrus na sanhi ng mga sakit sa tao. Ang mga sarihay ng Aedes ay nagdadala ng mga bayrus ng dengue, zika, at chikungunya habang ang mga Culex ay nagdadala ng bayrus ng sakit na Japanese encephalitis. Ang mga Anopheles naman ay nagkakalat ng mga parasitikong Plasmodium na sanhi ng malarya, at ang iba pang lamok ay may taglay na mga parasitikong ulay na sanhi ng filariasis o elephantiasis.

Para maging tagakalat o tagasalin ng mga bayrus ang mga lamok, kailangang maraming kapurit ng bayrus sa dugo ng maysakit. Tatalakayin natin ito sa ikatlong bahagi ng seryeng ito. Sa ngayon, tingnan muna natin ang pag-aaral nina Wang atbp. (2020) na nagbahagi ng mga antas ng pagkapositibo sa SARS-CoV-2 ng iba’t ibang sampol mula sa mga klinika:

Batay sa mga datos, isang porsiyento lamang ng mga sampol ng dugo ang nagpositibo sa coronavirus. Bagaman nagbabadya rin ito na may mga pagkakataon na ang impeksyon ay systemic o sa buong katawan, ang mababang antas ng pagkapositibo sa mga sampol ng dugo ay maaaring nagsasaad rin, hindi nga lang awtomatik, ng mababang posibilidad ng paghawa sa pamamagitan ng dugo at nagpapahiwatig din ng mababang posibilidad na maging tagapagkalat ang mga lamok. Gayunpaman, ang pamunuhang ito ay nangangailangang makumpirma ng ebidensyang molekular.

Aedes albopictus, isang uri ng lamok na katulad ng lamok-dengue na Aedes aegypti. Hindi inaaasahan na makakapagkalat sila ng virus na sanhi ng COVID-19. Larawang kuha ni Cristian C. Lucañas

Jun Lit (Ireneo L. Lit, Jr.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s