Entomolohiya sa Panahon ng COVID-19 – Ikatlong Bahagi: Bakit hindi inaasahang magiging tagapagdala ng SARS-CoV-2 ang mga lamok?

Sa ikalawang bahagi ng seryeng ito, iminungkahi natin na malamang ay hindi maikakalat o madadala ng mga lamok ang bagong coronavirus. Ipapaliwanag natin dito kung bakit.

Maraming sarihay o uri ng lamok. Sa Pilipinas, aabot ang bilang sa 330. Hindi lahat ng lamok ay sumisipsip ng dugo ng mga tao o iba pang hayop. Ang iba ay sumisipsip ng katas ng mga halaman. Meron ding umiinom ng nektar. May mga lamok din na ang kanilang uod ay kumakain ng kiti-kiti ng ibang lamok at mayroon ding nasanay na sa pagtira sa tubig sa loob ng mga halamang-pitsel. Sa mga maninipsip ng dugo, mga babae lamang ang nakakagawa nito; ang mga lalaking lamok ay sumisipsip ng katas ng halaman. Samakatuwid, mga babaeng lamok lamang ang may potensyal na maging tagapagkalat o tagapagdala ng mga sanhi ng sakit na nasa dugo.

Kailangan ng babaeng lamok ang nasisipsip na dugo para sa pagkabuo ng kanyang mga itlog. Dahil dito, makailang ulit itong sisipsip ng dugo upang masagutan ang pangangailangan. Ang proseso ng pagpili ng kalikasan (o natural selection) ay lumikha ng mga bayrus na napaburan ng pangangailan ng mga babaeng lamok na magpalipat-lipat ng mga sisipsipan nito ng dugo.  Habang nagaganap ang pagsipsip ng dugo at paglipat sa iba’t ibang host, maaaring makuha ng lamok ang mikrobyo sa loob o labas ng kanyang nguso o bibig o ito mismo ay maimpeksyon at maging tulay na panahanan. Alin man ang mangyari, maaaring maging tagapagdala ng sakit ang lamok.

Ang pagiging tagapagdala ay nangangahulugan ng pagsasalin ng mga sanhi ng sakit mula sa isang hayop (kasama na ang tao) papunta sa iba pang hayop. Ang paglilipat ay maaaring mekanikal o biyolohikal. Itinuturing na mekanikal ang paglilipat kung halimbawa ay nailipat ng lamok ang bayrus mula sa isang hayop papunta sa kasunod habang mabisa pa ang bayrus sa dugo sa kanyang panipsip. Katulad din ito ng isang ipis o langaw na nabahiran ng bakterya galing sa tae o dumi at pagkatapos ay naipahid ang bakterya mula sa bibig, paa o katawan ng insekto papunta sa pagkain ng tao at pagkatapos ay nagkakaroon ang tao ng mga karamdaman tulad ng typhoid. Pasibo o walang kailangang gawin o ibang mangyari sa sanhi ng sakit habang inililipat o ikinakalat ito mula sa isang hayop na panahanan papunta sa kasunod na biktima, at hindi kailangang dumami sila sa loob ng insektong tagapagdala. Karaniwan sa paglilipat na mekanikal na isa lamang ang mga insekto sa maraming paraang naikakalat ang mikrobyo.

Sa paglilipat na biyolohikal, may malapít na ugnayan ang insektong tagapagdala, ang mabisang sanhi ng sakit (virulent pathogen) at ang tatablang panahanan (susceptible host). Kailangan silang tatlo para maganap ang pagkakasakit. Nagpaparami ang sanhi ng sakit sa loob ng tagapagdala at malimit ay malapit ang tugmaan nilang dalawa. Ang ganitong uri ng ugnayan ay maaari lamang maibunsod ng napakatagal ng proseso ng ebolusyon sa panguguna ng pagpili o paghirang ng kalikasan. Ang mga bayrus na nakakapagparami sa loob ng mga insekto at iba pang arthropod at ng panahanang may-gulugod ay tinatawag na mga arboviruses (mula sa mga katagang arthropod-borne viruses). Artipisyal o hindi naturál ang grupong arboviruses dahil sila ay kabilang sa iba’t ibang pamilya ng mga bayrus at hindi base sa relasyong angkan o ebolusyonaryo ng mga bayrus.

Ang unang hakbang upang maimpeksyon ang isang lamok ay ang makakagat ito ng isang hayop o tao na maysakit. Bagaman kilala ang mga lamok na nakakapagdala ng mga bayrus tulad ng sa dengue, chikungunya, Zika, at Japanese encephalitis, hindi nila kayang ikalat ang maraming iba pang mga bayrus katulad ng HIV at Ebola. Ang mga dahilang ay maaaring napakababa ng bilang ng mga kapurit ng bayrus ang nananalaytay sa dugo o kaya naman ay hindi talaga naaapektuhan ang lamok. Samakatuwid, ang pagdadala ng bayrus ng isang lamok ay hindi kasing-simple lamang ng isang heringilya na may bahid ng dugo at gagamitin mula sa isang tao at sa mga iba pang kasunod o isang pipeto mula sa isang tubong sisidlan papunta sa isa pa. Kapag tinusok ng isang lamok ang balat ng tao o hayop at sumipsip ng dugong may bayrus, mabilis na nakakarating ang bayrus sa tiyan ng lamok. Mula doon, kailangang matablan ng bayrus ang mga sihay ng bituka o tiyan ng lamok, upang tumalab din at makapasok sa iba pang bahagi ng katawan ng insekto (ulo, kaha, at tiyan), pangunahin sa likidugo (haemolymph) at pati sa mga paa at pakpak. Ang panghuling destinasyon ay ang tipunan ng laway (salivary gland) upang kasabay nang maipasa ang bayrus sa susunod na kakagating biktima. Ang buong proseso ay tumatagal mula ilang araw hanggang ilang linggo.

Bukod pa sa takdang panahon, kailangan din ng bayrus na makalabas sa bituka o tiyan, papunta sa loob ng katawan ng lamok, at sa tipunan ng laway. Bawat hakbang ay tila di-malampasang harang para sa bayrus, na madali lamang kung angkop ang bayrus subalit para sa iba, matutunaw lamang bayrus kasama ng sinipsip na dugo sa tiyan o kaya ay ilalabas kasama ng dumi. Ang mga bayrus na nagdudulot ng dengue, zika, at Japanese encephalitis ay kabilang sa pamilya ng bayrus na Flaviviridae samantalang iyong sa chikungunya ay sa Togaviridae. Ibang-iba ang anyo ng kanilang mga kalubang protina (protein coat) kung ihahambing sa kaluban ng mga coronavirus (pamilyang Coronaviridae) na mas maraming burloloy at mga malakabuteng korona. Batay sa sukat, kahit na lubhang mas malaki ang SARS-CoV-2 kumpara sa bayrus ng dengue, makakalusot pa rin ito sa loob ng panipsip ng lamok (~22 mikrometro). Gayunpaman, ang mga taal na pagkakaiba sa istruktura, ay nangangahulugan ng pagkakaiba sa pagkasya papasok at palabas ng panipsip ng mga lamok, at ganundin sa tagal ng bisa at galaw o kilos sa loob ng katawan ng isang potensyal na tagadala.

Sa ating kaalaman sa kasalukuyan, wala pang coronavirus na angkop na maikalat o maisalin ng mga lamok.

Jun Lit (Ireneo L. Lit, Jr.)

Ito ay isang lalaking lamok, pansinin ang palatandaan – higit na mabalahibong mga sungot o antena (plumose antennae). Hindi kailangan ng mga lalaking lamok na sumipsip ng dugo kaya hindi sila nagdadala ng mga sakit. Larawang kuha ni Cristian C. Lucañas

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s