Entomolohiya sa Panahon ng COVID-19 – Ika-apat na Bahagi: Mga Langaw, Bangaw at SARS-CoV-2 – Walang Ebidensya ng Ugnayan Ngunit . . .

Mga Langaw at Bangaw

Ang tanong na makakapagkalat ba ang mga langaw ng SARS-CoV-2, ang bayrus na sanhi ng sakit na COVID-19 ay naging usap-usapan sa mga twit at paglilinaw ng mga kaalaman o fact check nitong mga nakaraang linggo. Hindi bababa sa dalawa sa mga ito ay may tiyak na kasagutang hindi. Layunin natin ngayon na suriin ang tanong at himayin ang mga batayan o ebidensya, kung meron man. Sa huli, titingnan natin kung maaari nga bang isang tiyak na “hindi” ang ating kasagutan.

Ang karaniwang langaw, Musca domestica L., at ang iba’t ibang sarihay o uri ng mga bangaw (bangyaw sa wika ng mga Batangueño) katulad ng Chrysomya megacephala (Fabricius) at mga kamag-anak ng mga ito ay tinatawag na maruruming langawkan [angkan ng mngga langaw]. Sa Pilipinas, humigit-kumulang 15 sarihay ang nakalista sa urihay o genus Musca. Ang mga bangaw naman (Angkanhay o pamilya  Calliphoridae ay binubuo ng hindi bababa sa 80 sarihay o species. Ang mga uod nila ay tinatawag ding kiyaw-kiyaw (maggots). 

Ang mga langaw at bangaw, ang kanilang mga kiyaw-kiyaw at buyón ay malimit na nakikita sa mga nabubulok na organikong bagay. Dahil dito sila ay laging naiiuugnay sa mga basura kabilang ang dumi o tae ng tao. Nakita na rin silang nanginginain sa mga dura pero walang obserbasyon kung pinupuntahan din nila ng isiningáng sipon, uhog o plema. Bukod-tangi rin na maraming sarihay ng bangaw ang kinikilalang mahahalagang susi ng ebidensya sa mga imbestigasyon ng krimen na sanhi naman ng paninirahan ng mga kiyaw-kiyaw nila sa mga bangkay. Marami rin sa kanila, lalo na ang mga bangaw, ang hindi sikat ngunit lubhang mahahalagang polinador o pollinator lalo na sa mga bungang-kahoy.

Isang bangaw o bangyaw – kahit itinuturing na marumi, kabilang rin sila sa mga nakakatulong subalit hindi napapansin na mga polinador (pollinators)

Wala pang nag-aral ng kaugnayan ng sakit na COVID-19 at ng sanhi nitong bayrus na SARS-CoV-2 at ng mga langaw, bangaw o kahit anong uri o sarihay na kabilang sa kanilang angkan. Nirepaso nina Dehghani at Kassiri (2020) ang ilang pag-aaral na maaaring makatulong na maunawaan ang isyung ito. Para naman sa mga ibang coronavirus, ang pinakamalapit ay ang pag-aaral nina Calibeo-Hayes atbp. (2003) tungkol sa pagsasaling mekanikal ng coronavirus sa pabo ng mga langaw. Ang bayrus na ito ng mga pabo ay kilala sa syensya bilang Avian coronavirus (na ang maikling pagtukoy ay IBV para sa avian infectious brochitis virus), isang sarihay ng coronavirus na kabilang sa urihay na Gammacoronavirus. Alalahaning ang SARS-CoV-2 ay kabilang sa urihay na Betacoronavirus. Pareho silang kabilang sa pamilya o angkanhay na Coronaviridae ng mga bayrus. Sa maayos na eksperimento nina Calibeo-Hayes atbp. (2003) nakakuha sila ng matibay ng ebidensya na tumukoy sa pagkakasakit ng mga pabo na nakasalamuha ang mga langaw na nagkaroon ng kontak sa bayrus. Bukod pa rito, matingkad rin na mas maraming nagkasakit kapag mas maraming kontaminadong langaw. Ipinakita ng naturang pag-aaral ang potensyal ng mga langaw bilang mekanikal na tagapagkalat ng IBV na kilala rin bilang TCV.

Sa ikalawang bahagi ng seryeng ito, nabanggit natin ang pag-aaral nina Wang atbp. (2020) tungkol sa antas ng pagkapositibo sa coronavirus ng iba’t ibang sampol mula sa mga pagamutan. Ang matataas na antas ng pagkapositibo sa dura (72%) at sa tae o dumi (29%) ay nagbabadya ng mataas na posibilidad na sila ay maging punduhan ng inokyulum (inoculum) kung hindi maitatapon nang maayos. Ang pagkapositibo sa coronavirus ng dumi ng tao ay nasagap ng isang kilalang tao sa India. Mauunawaan ang pag-ugnay niya nito sa problema ng bansa nila sa kalát na mga dumi ng tao sa ilang lugar at sa malaking bilang ng mga langaw. Napansin din iyon at muling nai-twit ng kanilang pinuno ng pamahalaan. Ang World Health Organization naman o WHO ay nagtwit din at sa isang pabatid na infographic ay binalewala ang sinasabing koneksyon ng pagiging positibo ng dumi ng tao sa coronavirus at ng mg langaw. Nasagap din ito at makailang ulit na na-retwit at naipaskel ng mga nag-iinternet o netizens.

Twit ng World Health Organization noong ika-5 ng Abril 2020

Ang populasyon ng mga langaw at bangaw ay hindi pantay-pantay o pare-pareho ang sa lahat ng lugar katulad ng matagal nang panahong nagdaan o kaya’y tulad ng ating inaakala. Gaya ng iba pang nilalang, nagkakalumpon o nagtitipun-tipon o mas marami sila sa mga lugar kung saan mas marami silang makakain o pumumugaran. Sa mga kondisyon sa kasalukuyan, mas maraming langaw, bangaw, at iba pang langawhay na may bugso sa kalusugang pampamayanan sa mga lugar na maraming manukan, babuyan, tambak o bundok ng basura at panahanan ng mga maralitang tagalunsod. Samakatuwid, maaaring makadagdag sa lokal na pagkakalat ng bayrus ang mga langaw at bangaw sa mga lugar kung saan walang angkop na palikuran o kasilyas na may poso-negro at kung saan maraming tao ang may gawi o ugali pa rin ng pagdura o pagsinga kung saan-saan. Ang mga bibig o nguso ng mga langaw at bangaw ay parang espongha, at ang mga anyo o katangiang angkop ng kanilang mga ibabang labi ay nagbigay sa kanila ng kakayanang masipsip ang mga katas o likidong bahagi ng mga basura o itinapong dumi, kabilang na ang galing sa mga tao. Ang mga puwang sa kanilang labelum, o sa mas teknikal na katawagan, ang sukat ng mga maliliit na kanal na pseudotrachea ay sapat na ang laki sa sukat na 30 mikrometro upang mapapasok ang mga coronavirus. Kung babalikan, ang SARS-CoV-2 ay aabot sa 200 nanometro. Ang isang mikrometro ay katumbas ng isanlibong nanometro. Idagdag pa na ang mga dulo ng paa at ang labas ng katawan ng mga insektong ito ay maaaring mabahiran ng bayrus at mga mikrobyong nakakapagkasakit. Maaari nilang maihawa o maipahid ang mga ito sa kung anumang kanilang madapuan o malandingan. Dapat ding bigyang konsiderasyon kung gaano katagal ang bias ng bayrus sa dumi ng tao sa pagiging potensyal na ambag ng mga insektong ito sa pagkalat ng coronavirus.

Mga detalye ng mala-esponghang panipsip sa dulo ng bibig ng isang langaw. Larawang kuha ng isang electron microscope sa pag-aaral nina Lehnart atbp. (2017)

Ating balikan uli ang mga twit at post o paskil. Ang kanilang pagtiyak na hindi naikakalat ng mga langaw ang sakit na COVID-19 ay nakabatay sa isang twit at infographic ng WHO na ang pamagat ay: “FACT: COVID-19 IS NOT transmitted through houseflies” o sa Tagalog: “Ang totoo: Hindi naikakalat ng mga langaw ang COVID-19.” Ang naturang WHO infographic naman ay batay sa isang diumano ay fact check o pagsusuri ng katotohanan. Ang ginawa ko ay tsinek ko rin ang naturang fact check. Tumpak naman ang sinabi sa fact check, na walang pag-aaral sa kaugnayan ng mga langaw at ng SARS-CoV-2. Katulad ng nabanggit na natin sa Unang Bahagi, bagong bayrus ito. Datapuwa’t, kasama sa naturang fact check ang linya ng pangangatwirang nagpapahiwatig kaugnay ng pagdadala ng mga lamok ng mga bayrus. Ipinaliwanag natin sa Ikatlong Bahagi na ang pagdadala ng mga lamok ng mga bayrus ay likas na biyolohikal. Pakatandaan natin na ang ibang mga kulisap o insekto ay maaaring makapagdala o salin ng mga mikrobyong sanhi ng sakit sa paraang mekanikal. Ang huling salita ng nasabing Fact Check ay: “Samakatuwid, wala pang klarong ebidensya upang paniwalaang ang coronavirus ay maikakalat sa pamamagitan ng mga langaw, sa ngayon.” Oo, nandoon ang katagang pa (yet sa Ingles). Isang kataga ang nakaligtaan o nawala, sinadya man o hindi, at naiba ang kahulugan.

Tunay na ang SARS-CoV-2, ang bayrus na sanhi ng COVID-19 ay pangunahing naikakalat mula sa isang tao papunta sa iba pa, sa paraan ng malapitang pagsasalamuha, kontak, o sa mistulang pa-asbok o spray ng mga pinong patak mula sa likidong nanggaling sa baga o pulmón kapag umuubo o humahatsing ang isang tao. Dapat unang pagtuunan ng pansin at aksyon ang mga hakbang sa pag-iwas sa pagkalat ng bayrus. Gayunpaman, walang balakid na mga kondisyong o salik pangkapaligiran o ekolohikal upang magkaroon ng positibong ugnayan ang mga langaw at bangaw at ang pagkalat ng bayrus na SARS-CoV-2. Nagiging mas maliwanag ito kung isasa-alang-alang ang mga kinakahinatnan ng masikip o siksikang populasyon ng mga tao at ang kaugnay nitong di-kaaya-ayang kondisyon sa kalinisan. Ang pagkakaiba ng mga kapaligirang pisikal at panlipunan sa pagitan ng mas nakakaluwag na tahanan kumpara sa mga lugar ng mga maralitang tagalunsod lubhang matingkad. Sa mga mas mariwasang bahay, lutas kaagad ang problema ng mga pesteng langaw at bangaw sa paglalagay ng screen sa mga pinto at bintana. Ang maayos na banyo o kasilyas ay solusyon laban sa pagkalat ng punduhan ng mga mikrobyo. Subalit hindi ganoon sa hindi gaanong pinalad na mga pamayanan. Sa Pilipinas, partikular na sa Timog Luzon, tinawag na pinakamalaking poso negro ang Lawa ng Laguna. Ang dahilan ay ang humigit-kumulang 25ng porsyento ng mga sambahayan na walang maayos na palikuran. Hindi kailangan ng coronavirus na ito na makapasok at makapagparami sa loob ng katawan ng mga langaw at bangaw. Sapat nang mabahiran sila sa kanilang mga bibig, paa o katawan ng mga kapurit ng bayrus at mailalin o maipahid nila ang mga ito sa kung saan man sila sunod na dadapo.

Ang karaniwang langaw, Musca domestica. Larawan mula sa WikiCommons: Food_cuisine_dishes_Baliuag,Bulacanfvf_18(cropped)

Oo, walang ebidensyang nag-uugnay sa mga langaw at bangaw, sa mga dumi ng tao, dura, uhog, at sa SARS-CoV-2. Walang ebidensya dahil walang pag-aaral o eksperimentong naisagawa. Totoo, mas kagyat na usapin ang sumunod sa mga rekomendadong hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng bayrus. Subalit, oo muli, minsan pang ipinaaala-ala sa atin na “ang kawalan ng ebidensya ay hindi nangangahulugan ng ebidensya ng kawalan.”  Nawa ay may pagtutulungang makakasagot nang maayos sa katanungang ito ng isang dalubkulisap, isang syentistang pangkapaligiran, at isang molecular virologist.

Katulad ng karamihan sa inyo, umaasa ako na sana nga ay hindi sila positibo.

Jun Lit (Ireneo L. Lit, Jr.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s