Entomolohiya sa Panahon ng COVID-19 – Ikalimang Bahagi: Ang SARS-CoV-2, Mga Ipis, at Ang mga Pinakamagaling Nating Hakbang

Mga Ipis

Ayon sa mga dalubkulisap, tinatayang may 4,400ng sarihay ng mga ipis sa buong mundo. Ang mga ipis, kasama ang mga anay (dating order o sunudhay ng Isoptera), ay kabilang sa sunudhay na Blattodea. Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 130ng sarihay ng mga ipis ang meron sa Pilipinas. Iba’t ibang papel ang ginagampanan ng mga ipis sa kalikasan lalo na sa larangan ng pagbabalik ng mga sangkap o sustansya sa lupa (nutrient cycling) sa mga gubat, yungib, at iba pang ekosistema (ecosystem). Nagsisilbi rin silang pagkain ng mga maninilang buhay-iláng at panahanan ng mga parasitikong insekto at hanip. Ang mga sarihay ng mga ipis ay marami at iba’t ibang anyo, kulay, disenyo, at palatantuan ng ugaliin o gawi.

Kakatwa at nakakaakit ng pansin ang buhay at laksang pagkakaiba ng mga ipis, subalit natatabunan ang mga ito ng katotohanang naging perwisyo at peste ang mga lima o anim na uri ng ipis sa mga tinatahanan ng mga tao. Hindi lamang sila istorbo o nakakainis sa loob ng mga bahay (kusina, paminggalan, palikuran, atbp.) ngunit palagi ring hindi mapuksa at hindi mawalâ-walâ bilang mangangalkal sa mga tambak o gabundok na basura at mga kanal. Ang karaniwang ipis-bahay ay kilala ring nakakahikà.

Maraming ipis na nasa mga bahay, lalo na ang karaniwang ipis-bahay (kilala rin bilang Ipis Amerikano, Periplaneta americana (L.), ay matatagpuan sa halos lahat ng bansa sa buong daigdig. Pinaniniwalaang malamang na ang mga ipis na peste sa bahay ay di-sinasadyang nakapasok sa maraming lugar sa mundo sa pamamagitan ng komersyo o palitan ng produkto kahit noong unang panahon pa. Sa Pilipinas ang P. americana ay nakarating pagkatapos ng pananakop ng mga Kastila.

Sila ay kumpirmadong nagdadala ng mga mikrobyong coliform – ibig sabihin mga bakteryang kasamahan ng Escherichia coli na matatagpuan sa loob ng bituka ng tao katulad ng Salmonella enterica na sanhi ng malatipus na lagnat o typhoid fever – at gayundin ng ilang mga bayrus tulad ng sa polyo o Polio virus (WHO, 1997). Ang paraan ng pagdadala o pagkakalat nila ay mekanikal. Gaya ng naipaliwanag natin sa mga naunang bahagi ng seryeng ito, pag mekanikal ang paraan ng pagkakalat ng mikrobyo o bayrus, hindi kinakailangang ang sanhi ng sakit ay magparami sa loob ng katawan ng insekto. Sapat nang madampot, makakapit, o kaya ay makalanit sa balat o labas ng katawan, paa, pakpak, sungot o bibig at mailipat ang mikrobyo sa kung anumang sunod na lalakaran o dadapuan ng insekto. Dito ay lubhang mahalaga ang mga ugaliin o gawi ng insekto. Kabilang sa mga gawing ito yaong may kaugnayan sa pagkain, paghahanap ng makakain, at pati ang pagkukumpul-kumpol o pagiging magkakalapit o magkakadikit at kung gaano kadalas na napupunta sila sa mga tirahan ng mga tao, o mga lugar na pinupuntahan ng mga tao o mga bagay na malimit ay mahawakan ng mga tao.

Marahil ay nabuhay nang magkasama ang mga ipis at mga tao noong panahong nanirahan ang mga tribo o pamilya ng mga sinaunang tao sa loob ng mga kuweba noong Huling Tagyelo, na natapos mga 12,000 taon na ang nakaraan. Sa modernong panahon, ang mga pesteng ipis, bagaman nanggaling sa mga lugar na tropikal na mabanas, ay nakarating na rin sa mga malalamig na rehiyon at namuhay sa mga iba’t ibang parte ng mga bahay at gusali kung saan may sapat na init, mamasa-masa, at sagana sa makakain. Ang mga ipis ay maramihang namumuhay nang magkakasama at magkakalapit. Sila ay aktibo sa gabi ngunit mas malimit ay nagtatago kung araw sa mga bitak o puwang ng mga pader o dingding, mga espasyo sa imbakan ng pagkain, paminggalan, sa ilalim ng mga lababo sa kusina, at sa mga ligtas na lugar ng mga banyo o kasilyas, mga kanal, at maging sa mga poso negro. Paborito rin nila ang mga basurahan, mga hindi nahugasang pinggan o plato, kaserola, kawali, kutsara at tinidor, pati na rin sa mga hapag-kainan.

Ang karaniwang ipis-bahay o Ipis-Amerikano, Periplaneta americana, isang mekanikal na tagapakalat ng maraming mikrobyo at bayrus na sanhi ng sakit ng tao.
Larawang kuha ni: Cristian C. Lucañas

Maraming puwedeng kainin ang mga ipis, kabilang na ang mga pagkain ng mga tao at ng kanilang mga alagang hayop. Mas gusto nila ang matatamis at malakaning pagkain. Nakita ko na rin silang kinukutib ang styrofoam (polystyrene) at ang kanilang pinaglunuhan, at mga patay na hayop kabilang na ang iba pang ipis na namatay. Hindi naman pangkaraniwan ang kagat ng mga ipis bagaman ako mismo ay nakaranas na ring makagat ng ipis na Periplaneta australasiae (Fabricius) habang natutulog sa isang kubo sa isa sa mga gawaing pananaliksik sa bukid. Maaari ring magdala sila ng mga itlog ng mga parasitikong bulati sa tiyan at gaya ng nabanggit, maging mitsa ng hika at iba pang allergy. Subalit ang pangunahing isyu sa mga ipis na kaugnay ng kalusugang pambalana ay nakabatay sa kakayanan at ugalíin nilang maggala at magpalipat-lipat sa mga tahanan, mga gusali, mula sa mga basurahan at tambak ng mga basura, mga poso negro, kasilyas, pabalik sa mga bahay, apartment, condo, barung-barong, at higit sa lahat sa mga tae o dumi ng tao, dura, at mga itinapong bagay kasama na ang mga tisyu at face mask. Kinukontamina nila hindi lamang ang pagkain ng tao ngunit maging ang mga ibabaw ng mga bagay na kanilang nilalakaran, tinatakbuhan, ginagapangan at dinadapuan. Lahat ng ito ay nagdudulot sa mga ipis ng kakayanang maging mga mekanikal na tagapagkalat ng mga mikrobyo at mga bayrus. Ganunpaman, sila ay itinuturing na pandagdag at hindi pangunahing sanhi. Sa talaan ng WHO (1997), ang mga ipis ay pinaghihinalaan o kaya ay kumpirmadong tagapagdala ng mga sanhi ng pagtatae, pag-iiti, kolera, ketong, itim na salot o peste, malatipus na lagnat, at nabanggit na rin, ng polio.

Katulad ng sa mga langaw at bangaw, ang mataas na antas ng pagkapositibo sa coronavirus ng mga sampol ng tae o dumi ay nagpapataas ng potensyal ng mga ipis upang makapagkalat ng bayrus sa mga lugar kung saan sila ay marami lalo na sa mga pamayanan ng mga maralitang tagalunsod. Dagdag pa rito, kung pagbabatayan ang mga datos tungkol sa katagalan ng bisa ng mga coronavirus sa tae ng mga paniki o kabag (Le Gouil & Manuguerra 2012; Wu et al. 2020) at italang ang mga ito sa mga maaaring mangyari sa dumi ng tao sa mga lugar na wala o kulang ang tamang kasilyas o palikuran, tumataas ang posibilidad na maging tagapagkalat ng bayrus ang mga ipis.

Maikling Talâ tungkol sa mga Langgam sa Bahay

Dumarami ang mga sarihay ng mga langgam sa loob ng mga pamamahay sa Pilipinas. Ayon sa aking panimulang pag-aaral (Lit, 2010) sa lalawigan ng Laguna, 10 sarihay o uri ang nakilala. Sa pagsisiyasat naman nina Pancho atbp. (2019), mga ganoon din karaming uri ang naitala sa Tangub sa Mindanao. Ang mga langgam sa bahay ay mga mapananalakay na uri. Sa mga ibang panimulang pag-aaral, may kakayanan din silang magkalat ng mga bakteryang coliform sa loob ng tahanan. Depende ito kung saan sila nagpupugad, naghahanap ng makakain, at dumadaan. Ang pagkakalat ay sa pamamagitan ng kanilang mga paa sa paglakad nila o sa pagdikit ng mga bahagi ng kanilang katawan sa mga kontaminadong dumi o pagkain. Halos katulad ng mga ipis ang kanilang potensyal na makapagkalat ng mga mikrobyo o bayrus. Gayunpaman, may kakayanan ng marami sa kanilang uri na maglabas ng mga kemikal na pangontra sa mga mikrobyo. Dahil dito, nababawasan ang kanilang bisa sa pagkakalat ng mga mikrobyo at mga bayrus.

Ano ang Ating Maaaring Gawin?

Minsan pa, ang mga pagtalakay na ginawa sa seryeng ito ay kinakailangang pagnilayang mabuti at maingat. Ang mga pansamantalang paliwanag ay pawing mga pagsasaad ng mga pamunuhà o hypotheses. Kailangang testingin o idaan sa mga eksperimentong maayos at may sapat na pagkakaulit o replicate. Sa ganoong paraan, makakakuha ng mapagkakatiwalaang datos at tiyak na ebidensyang magiging batayan kung aayunan o iwawaksi ang mga pamunuhà. Ang mga pagsisiyasat sa mga ganitong aspeto ay maaaring hindi kagyat o pangunahing pangangailangan sa ngayon. Datapuwa’t ang mga polisiyang ginagawa tungkol sa mga sakuna o sakit ay pinakamabuti kung nakabatay sa siyensya. Kaugnay nito, kailangan ang malawak at buung-buong pagkaunawa sa mga pang-ekolohiyang aspeto ng COVID-19, sa bayrus na sanhi nito – ang SARS-CoV-2, at sa mga tao at kaugnay o nakakasalamuha nilang mga nilalang, kabilang na ang mga insekto. Makakamit ang mga ito kung may kabuuang ebidensyang mula sa pagtutulungan sa pananaliksik ng mga siyentista.

Ganunpaman, lahat ng datos na nakasaad sa talahanayan ipinakita natin sa ikalawang bahagi nitong serye ay tumutugma sa mga pinakamagagaling na hakbang natin para labanan ang COVID-19 o SARS-CoV-2, may ambag man o wala ang mga insektong tinalakay natin.

  1. Sundin ang utos/payo ng mga doctor-manggagamot.
  2. Panatilihing may distansya o puwang sa pagitan mo at na iba pang tao (social distancing).
  3. Itapon nang maayos ang mga basura.
  4. Huwag dumura lalo na sa mga pampublikong lugar.
  5. Magsuot ng face mask o angkop na pantakip ng bibig at ilong.
  6. Hugasan ang mga kamay nang madalas sa tamang paraan.
  7. Itaguyod ang agham o siyensya at igalang ang mga siyentista at ang kanilang mga payo at opinyon.
  8. Manatili sa loob ng mga tahanan, manatiling ligtas sa COVID-19 at iba pang sakit.

Mga Pinagsanggunian

Calibeo-Hayes D, Denning SS, Stringham SM, Guy JS, Smith LG, Watson DW. 2003. Mechanical transmission of Turkey coronavirus by domestic houseflies (Musca domestica Linnaeus). Avian Diseases 47(1): 149-153. https://doi.org/10.1637/0005

Chattopadhyay A. 2020. Fact Check: Can houseflies spread COVID-19? The Logical Indian. https://thelogicalindian.com/fact-check/houseflies-covid-19-coronavirus-amitabh-bachchan-20372.

Chen C, Gao GJ, Xu YL, Pu L, Wang Q, Wang LM, Wang WL, Song YZ, Chen ML, Wang LH, Yu FT, Yang SY, Tang YX, Zhao L, Wang HJ, Wang YJ, Zeng H, Zhang FJ. 2020. SARS-CoV-2–Positive Sputum and Feces After Conversion of Pharyngeal Samples in Patients With COVID-19 Annals of Internal Medicine. doi:10.7326/M20-0991.

Dehghani R, Kassiri H. 2020. A brief review on the possible role of houseflies and cockroaches in the mechanical transmission of Coronavirus Disease 2019 (COVID-19). Archives of Clinical Infectious Diseases doi: 10.5812/archcid.102863. (4 p.)

Gullan PJ, Cranston PS. 2014. The Insects: An Outline of Entomology. 5th ed. West Sussex, UK: John Wiley & Sons, Wiley-Blackwell. 624 p. [Chapter 15. Medical and Veterinary Entomology, pp. 397-417.]

Guo Z-D, Wang Z-Y, Zhang S-F, Li X, Li L, Li C, Cui Y, Fu R-B, Dong Y-Z, Chi X-Y, Zhang M-Y, Lui K, Cao C, Lui B, Zhang K, Gao Y-W, Lu B, Chen W. 2020. Aerosol and surface distribution of severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 in hospital wards, Wuhan, China, 2020. Emerging Infectious Diseases 26(7): 2020 Jul [date cited]. https://doi.org/10.3201/eid2607.200885.

Ianiro G, Mullish BH, Kelly CR, Sokol H, Kassam Z, Ng S, Fischer M, Allegretti JR, Masucci L, Zhang FM, Keller J, Sanguinetti M, Costello SP, Tilg H, Gasbarrini A, Cammarota G. 2020. Screening of faecal microbiota transplant donors during the COVID-19 outbreak: suggestions for urgent updates from an international expert panel. The Lancet Gastroenterology & Hepatology 5. https://doi.org/10.1016/ S2468-1253(20)30082-0

Le Gouil M, Manuguerra J-C. 2020. Persistence of SARS-CoV in bat feces (Rhinolophus ferrume- quinum) and implications for the ecology of SARS-CoV related viruses in nature. Final Abstract No. 46.037 (Poster Presentation), 15th ICID Abstracts / International Journal of Infectious Diseases 16S (2012) e158–e316

Lehnert MS, Bennett A, Reiter KE, Gerard PD, Wei Q-H, Byler M, Yan H, Lee W-K. 2017. Mouthpart conduit sizes of fluid-feeding insects determine the ability to feed from pores. Proceedings of the Royal Society B Biological Sciences 284: 20162026.  https://dx.doi.org/10.1098/rspb.2016.2026.

Lit ILJr. 2010. Notes on household ants in Los Baños and Bay, Laguna, Philippines, In Lit ILJr, Navasero MV. 2010.  Philippine Entomologist 24(1): 77-86.

McGeorge F. 2020. Is coronavirus spread by insects? Who should take different precautions? https://www.clickondetroit.com/health/good-health/2020/03/04/is-coronavirus-spread-by-insects-who-should-take-different-precautions/

Pan Y, Zhang DT, Yang P, Poon LLM, Wang QY. 2020. Viral load of SARS-CoV-2 in clinical samples. The Lancet 20(4):P411-412. https://doi.org/10.1016/ S1473-3099(20)30113-4

Pancho UZ, Lit ILJr, General DEM. 2019. Household ants (Hymenoptera: Formicidae) of Tangub City, Misamis Occidental, Philippines. [Abstract no. 20] pp. 191-192, Abstracts of Papers presented at the Scientific Sessions of the Philippine Association of Entomologists, Inc., during the 51st Anniversary and Annual Scientific Conference of the Pest Management Council of the Philippines, Inc., 2-5 July 2019, Coron, Palawan. Philippine Entomologist 33(2): 185-214.

Parada J. 2020. Is coronavirus transmitted by pests? https://www.pestworld.org/news-hub/pest-health-hub/is-coronavirus-transmitted-by-pests/

Ramasubramanian MK, Barham OM, Swaminathan V. 2008. Mechanics of a mosquito bite with applications to microneedle design. Bioinspiration & Biomimetics 3(2008) 046001: 10 p. doi: 10.1088/1748-3182/3/4/046001.

Scoop Team. 2020. Insects and COVID-19: 5 possible coronavirus carriers. https://scoopempire.com/insects-and-covid-19-5-possible-coronavirus-carriers/

Wang WL, Xu YL, Gao RQ, Lu RJ, Han K, Wu GZ, Tan WJ. 2020. Journal of the American Medical Association March 11: e203786.

Watanabe S, Masangkay JS, Nagata N, Morikawa S, Mizutani T, Fukushi S, Alviola PA, Omatsu T, Ueda N, Iha K, Taniguchi S, Fujii H, Tsuda S, Endoh M, Kato K, Tohya Y, Kyuwa S, Yoshikawa Y, Akashi H. 2012. Bat coronaviruses and experimental infection of bats, the Philippines. Emerging Infectious Diseases 16(8): 1217-1223. DOI: 10.3201/eid1608.100208

Webb C. 2020. Can mosquitoes spread coronavirus? The Conversation. https://theconversation.com/can-mosquitoes-spread-coronavirus-134898

World Health Organization [WHO]. 1997. Vector Control: Methods for Use by Individuals and Communities. Rosendaal JA (Prep). Geneva, Switzerland. 424 p.

Wu YJ, Guo C, Tang L, Hong ZS, Zhou JH, Dong X, Yin H, Xiao Q, Tang YP, Qu XJ, Kuang LJ, Fang XM, Mishra N, Lu JH, Shan H, Jiang GM, Huang X. 2020. Prolonged presence of SARS-CoV-2 viral RNA in faecal samples. Lancet Gastroenterology Hepatology https://doi.org/10.1016/ S2468-1253(20)30083-2. Yuen KS, Ye ZW, Fung SY, Chan CP, Jin DY. 2020. SARS-CoV-2 and COVID-19: The most important research questions. Cell Bioscience 10: 40. https://doi.org/10.1186/s13578-020-00404-4

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s