Bunso ng Inay Ko – Panimula

Muling umagaw ng aking pansin ang kathang-lilok na pasalubong ng mahal kong asawa ilang taon na ang nakakaraan. Binili nya ‘yon sa Baguio, sa Museyo ni BenCab, Pambansang Alagad ng Sining. Isa iyong likhang inorder ng isang bisita na hindi na muling binalikan at binayaran. Sa panahon ng pandemya, may mga katulad ng ganitong pangyayari. Kwento ng anak ko, may isa raw umorder sa isang driver ng Grab – kape sa isang mamahaling kapihan, may kasama pang mga coffee press, de-klaseng mug, butil ng kape na gigilingin pa, atbp. Niloko lang pala si kawawang mamang drayber. Hindi pala kukunin. Pinaasa sa kaunting kikitain. Wala na ngang kinita, lugi pa. Naawa naman ang anak ko, binili yung coffee press, kahit meron na kami. May iba naman na hindi nanloko, hindi sinasadya. Nagkasakit. Mayroon ding namayapa na at hindi na nabayaran ang inorder. Meron ding nawala o nagtago at hindi na muling nagpakita. Nagpaasa sa mga nagkamaling umasa.

Akala ko noong unang matanggap ko ang pasalubong ay isang babae at isang lalaking nag-uusap o magkaniig. Nang pinagmamasdan ko na ay imahen pala ng isang ina at ng kanyang anak – tipong “Madonna and Child.”

Nang maalala ko ang kathang-lilok, kinunan ko ng litrato. Sakto. Ito ang gagawin kong larawang magiging simbolo ng aking kwento. Kwentong mahirap ikwento. Mahirap na ang magkwento sa panahong ito. Kaunting post o paskil sa social media, ang daming sinasabi ng mga tao. Mabuti kung mga mababait at totoong kaibigan. Higit nang marami ang nagsusulat at nagsasalita nang walang pakundangan.

Mahirap. Ang panahon ay mahirap. Ang panahong maraming naghihirap. Ang panahong ang mga inaasahan ang siyang lalong nagpapahirap. Sa pagkukwento ng sariling buhay, kailangan nang maging maingat. Hindi katulad noong mga naunang panahon. May batas na sa Data Privacy. May cyber libel pang sinasabi. Sadyang kahit buhay ko na ang ikukwento ko, pananaw ko, maaaring iba ang pananaw ng ibang tao, iba ang sasabihin nila sa sinasabi ko. Kasaysayan at katotohanan lamang daw ang huhusga sa ating mga ginawa. Halimbawa, kahit na anong gawin ng isang angkan na ilagay sa pedestal ang isang pinunong tiwali at ideklara’t ilibing bilang isang bayani, lumilitaw at muling lumilitaw ang mga pekeng medalya, pang-aabuso sa kapwa, mga pinatay at mga taong nawawala, at pandarambong at pagnanakaw sa yaman ng bansa.

Hindi rin daw naman nasasabi lahat ang mga nasa isip at nasa puso. Sa paglipas din ng mga oras, araw, linggo, buwan, taon, at mga dekada, nag-iiba ang paraan ng pagsasalaysay. Sa yugto ng kabataan, mapusok, maraming may galit sa mundo. Sa yugto ng katandaan, may pagninilay na, may kalumanayan na sa paglalahad.

Kwento ko ito. At sa buhay ko, katulad ng maraming tao, sa malaking bahagi ng nabuong nobela mula paglaki hanggang sa pagtanda, naroon ang larawan ng aking ina. “Dayunyor, bunsoy, tutoy, utoy” ang tawag sa akin ng kuya ko, at ng mga até ko. Oo, bunso ako. Bunso ng Inay ko. – Jun Lit

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s