Bunso ng Inay Ko: I – Ang Burol sa Katedral

Tatlumpu’t tatlong taon na ang nakakaraan. Matagal nang wala ang kinagisnang lumang bahay. Subalit narito pa rin ang mga tanong, hanggang ngayon mga tanong pa rin, mga tanong na hindi nasagot o baka talagang walang kasagutan. Mga sagot na nagbubukas ng marami pang katanungan. Mga bintanang sinasarhan. Mga bintanang sa kalumaan ay hindi na maaaring buksan at baka bumagsak na nang tuluyan. Mga butas sa dinding upang makasulyap sa mga nangyayari sa labas. Mga pintong bukas-sara.

Paroo’t parito ang mga larawan sa isang mahabang pelikula. At ang tapagsalaysay ay hindi malaman, saan ba talaga magsisimula? Saan din kaya magwawakas?

Tatlong dekada at tatlong taon na nga ang nagdaan. Sa umagang iyon, bumulaga ang balita – may tangkang kudeta – pasimuno’y si Gringo Honasan! S’ya lang nga kaya ang utak sa likod ng naganap na karahasan? Si Presidente Cory Aquino pa rin ang nasa Malacañang noon, isa’t kalahating taon matapos pabagsakin ng taumbayan ang diktadura ni Marcos . . .

Kasabay ng balita ng kudeta, dumating ang dag-as – katagang Batangueño na tumutukoy sa pagbabalita ng kamag-anak sa kamag-anak tungkol sa isang kadugong pumanaw. Huwebes daw nang gabi nangyari. Walang buwan. Walang tanglaw sa mga kaluluwang naglalakbay at nangangapa kung saan ang daan, saan, paano pupunta sa kinabukasan? Katulad ng maraming gabing pinagdaanan, walang gabay . . . oo, kinaya ko ang maglakad sa gabing pusikit sa kadiliman, gabing naghatid ng sandaa’t isang mga katanungan. Tila ang buong buhay ko ay umikot sa pagkahig ng mga katanungan at pagtuka ng inaakalang kasagutan.

Hindi naging madali ang sumunod na isang linggo. Ama ko ang namatay ngunit pumanaw s’ya sa aming lumang bahay. Namatay na ibang tao ang kasama, hindi ang mga nakatatandang kapatid ko, hindi ang aking Inay.

Ang pagbawi sa kanyang labi ay mistulang larong batakan, ‘yun nga lang sa halip na lubid, kabaong ang pinaghihilahan. Referee pa ang Kapitan ng Barangay na kampi sa Team number 2. Mahihiya ang mga dayalogo sa mga klasikong pelikulang Pilipino. “Kukunin na namin ang Tatay.” pabatid na pahayag ng nakatatanda kong até. Wala ang Kuya ko na panganay sa aming apat, kaya ang nakatatandang até ang tumatayong panganay.  “Hindi ako makakapayag!” wika ng babaeng naging kasama ng ama ko. “Hindi ko kailangan ang pagpayag mo!” sagot ng até ko.

Sa bandang huli, nanaig kami, Team number 1, nang magsalita ang Kagawad ng Lungsod, kung sino ang ligal, sila ang may karapatan. Kaming mga anak ang nagpasya ang gumalaw nang magkakasama. Unti-unti’y nauunawaan ko ang mga kwentong hindi ko nalaman kaagad, mga kwentong nang malaman ko ay hindi pa rin lubos na naipaliwanag, mga kwentong naghatid ng mga kasagutan sa mga tanong na nabuo sa aking kabataan, mga kasagutang nagbukas sa lalong maraming katanungan.

Sa pagbababa ng kabaong na taglay ang mga labi ng Tatay, kausong ako. Ang kalungkutan ay nahahaluan ng bahagyang pakiramdam ng isang panalo. Naipaglaban namin at naipagtagumpay ang marapat na sa amin, ang panig ng aming ina, ang katwiran, ang matuwid. Nakibuhat pa rin ako hanggang sa maipasok sa isang silid-dalanginan ang labi ng Tatay.

Sa isang panig, isang silid-dalanginan, sa loob ng malapalasyong Katedral. Larawang kuha ni Cel Viñas-Maralit.

Tahimik sa burol. Katedral ng Lipa, at sa panahong iyon, mas uso pa rin ang lamayan sa bahay kaysa sa mga kapilya at punerarya. Mabuti na rin sigurong ganoon ang naging pasya, walang nag-iskandalo sa lugar na turing ay banal. Tuwina’y nakatanaw ang patron ng bayan – San Sebastian. Santong inulan ng panà. Simbahang bukas sa lahat. Sinumang gustong pumunta, dumalaw, mag-usyoso o makiramay, walang hadlang. Ganundin, ang kasagraduhan ng paligid ay akmang-akma sa aming ina, hindi man Katoliko, ay masasabi kong martir. Tahimik, hindi palaaway, hindi bagay sa iskandalong maaaring naidulot ng babaeng misteryosa at ng mga kilala sa baryo na pangkat ng mga tsismosa.

Tirikan ng kandila. Larawang kuha ni Cel Viñas-Maralit.

Ang buhay ay isang malaking tanong. Kung ang buhay ay nobela, nagiging rigodon ng mga tanong at sagot. Bawat tanong, hinahanapan ng sagot. Bawat sagot, nagbubukas ng iba pang tanong.

Ito ang unang kabanata ng aking pagkagulantang. Dito nagsisimula ang isang tanong – kaya ko bang ikwento ang aking kwento? Kwento ng mga tanong. At lakas ng loob. Marahil sa mga tanong umiikot ang aking kwento, ang kwento ng buhay ko . . . – Jun Lit

(Maraming salamat kay Cel Viñas-Maralit para sa pahintulot na magamit ang kanyang mga larawang kuha sa Katedral ng San Sebastian, Lungsod ng Lipa)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s