Bunso ng Inay Ko: II – Ang Batang Sumugod sa Nitso

Sa huling pagbabasbas ng pari, natilamsikan ako ng banal na tubig. Hindi ako umusok ni naging haliging asin. Kasunod noon, lumakad, sumulong ang prusisyon, una ang karo kung saan nakasakay ang mga labi ng Tatay ko, kasunod ang mga sasakyan at mga naglalakad na tao.

Pagdating sa Barangay Antipolo del Norte, palinga-linga ako, hindi ko na yata tukoy kung saan ang sementeryong pampubliko. Ang alam ko lang unang nararating ‘yon, bago ang sementeryo ng mga Katoliko, at sementeryo ng mga Intsik. Kahit sa kamatayan ay hindi nagkakaisa ni nagtatagpo ang mga mamamayan. Karamihan ng mga Lipahin o Lipeño doon ang huling himlayan sa Libingan ng mga Katoliko. Matatanaw mula roon ang Libingan ng mga Intsik. Ang mga kapanalig ni Inay ay dito inililibing sa pampublikong sementeryo, kasama ng mga iba ang pananampalataya, pati na ng mga erehe at mga pagano. Libingan din ng mga walang kakayanang magbayad sa mas mahal na lote sa mga katabing sementeryo. Dito ililibing ang Tatay ko.

Noong nakaburol pa lamang ang labi ng Tatay ko sa Katedral at naianunsyo ang petsa at lugar ng paglilibingan, may ipinabigay na mensaheng nakasulat sa kapirasong papel ang isa naming tiyo. “Bigyan ninyo ng marangal na libing ang Kuya Erning ko, ang Tatay nyo!” Hindi pala marangal ang malibing sa libingang pampubliko? Sa pananaw pala ng mayamang Don Bienvenido, ang libing ay marangal lamang kung sa memorial garden? Ang dami palang hindi nailibing nang marangal. Kaawa-awang mga kaluluwa. Sigurado na kaya ang pwesto sa langit ng mga nakalibing sa Memorial Floral Garden? Hindi naman siguro idideklarang Santo ang Tatay ko. Dito talaga ililibing ang Tatay ko. Sa hinaharap, malaon o madali, dito rin ihihimlay si Inay, kapag dumating na ang kanyang oras. Nagkahiwalay man noong buhay pa, ang mga labi nila ay tiniyak at katwiran naming magkakapatid, isang pagpapasya nang magkakasama.

Dito nga ang kamposanto. Pampubliko. Kapasyahan naming magkakapatid ito. Sa may ulunang bahagi ng kabaong ng Tatay ko, katabi ko ang aming Inay. Nasa kanan nya ako. Sa kanyang kaliwa ang dalawa kong até. Nasabi ko nang nasa malayo ang aming Kuya, walang pagkakataong magpaalam sa aming Tatay. Nagsimula ang taimtim na pag-usal ng mga litanya sa pamumuno ng manang na mandarasal. Maliban sa minsa’y malakas, minsa’y pabulong na sagot na “Kaawaan mo po ang kaluluwa ni Erning” at “Ipanalangin mo po kami!” – tahimik ang paligid. Naririnig kaya kung ano ang aking mga nasa isip?

Tahimik ang kapaligiran maliban sa ihip ng hangin. Paminsan-minsan may mga hikbi sa aming likuran at unahan. Tahimik din ang aming Inay. Hindi halata ang pamumugto ng mata dahil sa makapal na salamin sa mata na suot nya. Tahimik si Ate Mameng. Tahimik si Ate Lucing. Tahimik ako. Marahil nagtatanong ang mga miron – Bakit kaya sila hindi umiiyak? Kailangan ba talagang ipakita ang pagtangis? Kailangan bang sa pisngi’y may bumabalisbis? Ubos na ang luha ng mga naulila, ngunit hindi pa tapos ang mga hinagpis.

Natapos ang padasal. Isa-isang itinawid ang mga batang edad dose pababa, iniliban o inilukso sa ibabaw ng kabaong. Lumibot sa kabaong ang ibang nakikiramay. Pagkatapos magkurus o antanda, lalapit sa amin, may kumakamay, may umaakbay, may mga nagbubulong ng hindi ko na maalalang mga bagay. Sa pangkalahatan, katahimikan. Ngunit ang katahimikan ba ay kapayapaan?

Dumating ang tila hudyat upang kami – ang aking ina at kaming magkakapatid – ay lumapit na muli sa huling pagkakataon sa aming ama, hudyat ng huling pamamaalam, hudyat ng paghahatid sa huling hantungan. Ipininid ang wari’y bintanang salamin ng kabaong. “Paalam na po Tatay, humimlay po kayo sa kapayapaan . . .”

Walang anu-ano, at sa ibang salita pa’y, walang kaabug-abog, may biglang nagtungayaw. Isa sa aming mga tiya, bunso sa mga kapatid ng Tatay. Sumisigaw, ibinubulalas ang panaghoy na tinatawag ang namatay ngunit tila parinig sa amin. “Kuya Erniiiiing! Ang mga anak moooo! Hindi man lamang dumalaw nang inilibing ang ating inaaaa, ang lola nilaaaa!” – May pagbibintang. Anong kasalanan? Kasalanan ko pala na akong nasa malayo ay nalaman na lamang na pumanaw na ang ninuno makalipas ang isang buwan. May pagsisiyasat kaya? May hatol na.

Hindi pa roon at noon natapos ang kaguluhan sa isip. Tila hindi nga kumikidlat na walang kasunod na kapwa kidlat at tunog ng kulog.

Huling haplos ng aking ina sa ibabaw ng kabaong ng aking ama. Pagpapatawad. Pagbabasbas. Pamamaalam sa huling pagkakataon. Binuhat na ng mga tao mula sa punerarya ang labi ng Tatay ko. Ipapasok na sa nitso.

Mula aming likuran may humahangos, umiiyak, sumisigaw, humihiyaw. “TATAAAAYY!” Sino ang batang iyon? Edad trese o katorse marahil. Hindi ko nakita ang mukha ngunit sabi ng mga naroon ay may hawig sa aking Ate Lucing.

Sino ang batang sumugod sa nitso? Kaedad nya ako nung mga panahong ako’y naghahanap at nagtatanong. Noong nagtatanong ako ng – “Nasaan kaya si Tatay?”

One thought on “Bunso ng Inay Ko: II – Ang Batang Sumugod sa Nitso

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s