Bunso ng Inay Ko: III – Masamang Biro

Ayaw tumahan ni Enyong. Sa unang pagkakataon kasi, may mga misyunaryong nagbiro na isasama na raw at dadalhin sa malayo ang kanyang Inay. Biro ng matatanda, pero seryosong banta para sa isang musmos na bata. Mababait naman ang mga misyunaryo na kung tawagin ng mga magulang ni Enyong ay mga “manggagawa.” Manggagawang walang sweldo, simple ngunit maayos ang pananamit, parang mga guro. Walang anumang alahas na suot kahit simpleng singsing, maliban sa simpleng relo. Ganoon din kapayak ang pamumuhay na kinalakhan ni Enyong.

Walang simbahan. Bawat araw ng Linggo sa ganap na ikasiyam nang umaga, ginaganap ang pagsambang pulong ay sa tahanan ng pinagkatiwalaang kapatid sa pananampalataya, karaniwan, yung pinakamatandang lalaki. Walang binyagang ulo lamang ng bata ang binabasa. Bagkus ay may bautismo, inilulubog ng lalaking manggagawa ang buong katawan ng babautismuhan sa tubig, karaniwan sa isang ilog. Kaya wala ring ninong o ninang na aasahang magbibigay na aginaldo tuwing Pasko, kung sabagay, hindi rin naman nagdiriwang ng kapaskuhan o kuwaresma. Kawikaa’y noong kapanahunan ni Jesus, hindi naman siya pinapansin kaya sino namang magtatalâ ng kanyang eksaktong araw ng kapanganakan o kamatayan. Walang opisyal na ipinagbabawal sa ganoong pananampalataya ngunit lahat ng tagasunod ay umiiwas sa mga bagay at kalakaran ng mundo at kamunduhan. Lumaki si Enyong na walang TV, walang sine, walang piyesta. Kung pasko, walang Christmas tree o belen, walang noche buena, tulog lang ang katapat ng bango ng pagkain sa nagkakaingay na kapitbahay. Pero kung Bagong Taon, may media noche, dahil nga bagong simula ng taon at kaarawan ng pinakamabait sa lahat – ang kanyang Inay!

Katulad ng karamihan ng mga Pilipino, Katoliko mula pagkabata ang mga magulang ni Enyong. Hindi man palaging nakakasimba dahil isang sakay din sa kalesa o jeep mula sa baryo hanggang sa Katedral, araw-araw naman ay may kahit kaunting dasal, at tuwing orasyon ay idinaraos ang kahit isa man lamang Ama Namin at isang Aba Ginoong Maria. Mula sa panganay hanggang sa ikatlong anak, bininyagang Katoliko rin. May kumpil rin at mga kaakibat na hakbangin. Ang mga ito’y hindi pinagdaanan ni Enyong. Iba na ang relihiyon nang pamilya nang siya’y ipinanganak. Sa karagatan ng mga batang Katoliko, isang munting pulo ang kanyang kinalakhan.

Para sa karaniwang bata, mahirap ang maging iba o kakaiba. Kung minsan, masarap. Habang nagkukurus o antanda – “Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, Amen.” – sagana sa paala-ala na “hindi tayo naggaganun anak . . .” Sa mga panahong nagrorosaryo ang buong klase, gardening o pa-relaks-relaks lang si Enyong, kasama ng mga batang Iglesia ni Cristo. Saradong Katoliko ang may-ari ng iskul kaya noong may kampanya ang Simbahan na magdasal ng buong rosaryo tuwing unang Biyernes, lahat ng mga bata sa lahat ng section, obligado, excused ang mga hindi Katoliko. At dahil hindi maintindihan ni titser yung paliwanag na walang pangalan ang relihiyon ni Enyong, inilista na lamang na Iglesia. Pero hindi pwede, maagang naging isa sa mga paboritong pagkain ni Enyong ang dinuguan. Ganunpaman, itinuring sya ng ibang batang “Iglesia,” bilang parang “kapatid” – mga hardinero’t hardinera tuwing araw at oras ng pagrorosaryo.

Iba pag Pasko, walang exempted o excused sa iskul. Lahat dapat may pang-exchange gift. At bawat bata ay may tatanggapin. Lahat kasali sa Christmas Program. Sali na lang. Masaya naman. Syempre bago magsimula ang programa, magdadasal ang mga Katoliko, pero dahil mabilis lamang at hindi rosaryo, hindi na kailangang lumabas ng mga iba ang relihiyon. Sa araw-araw na pakikitungo at pagkikipagkaibigan sa lahat ng mga bata, nasaulo na rin ni Enyong ang mga dasal ng mga Katoliko. Maliban sa hindi pagpikit kung nagdarasal, pare-pareho lang naman sa tingin ni Enyong ang lahat ng mga bata. Umaaray pag nasasaktan. Umiiyak pag nalulungkot o nalalamangan. Kahit anong relihiyon may barumbado, may likas na matulungin, may sadyang malambing. May maiingay, may mga likas na tahimik. Sya lang yata ang naiiba. Sa isang sulok ng isip nya, naiiba nga kaya sya?

Dahil sakitin noong musmos pa, bawal maglaro sa labas. Nanonood lamang sa bintana, o nakasilip sa butas sa dingding. Napawi na ang maiinggit sa isipan ng bulilit na si Utoy, isa pang tawag kay Enyong bilang bunso. Baka magkasakit. Iba ang Katoliko sa “Katotohanan.” Baka magalit ang Tatay. Baka magalit ang Inay. Baka mapalo si Ate Lucing pag lumabas ang bunso. Iba sila, iba tayo. Ang hirap palang maging iba. Hindi kaya mas masarap maging pare-pareho? Yung may Ninong at Ninang rin na mag-aabot ng kendi o aginaldo. Yung pwede ring sumayaw at manood ng TV. Yung may pamaltik at baril-barilan. Yung may kalaro.

Paminsan-minsan, nakakalabas din naman, kasama ng Inay sa palengke, bibili ng kalamay, bitsu-bitso, nilagang utaw, nilagang mani, sundot-saging, sagimis, sumang-tamales. Minsan lamang nakagala sa piyesta ng bayan si Enyong, isinama ng Tatay, nakabili ng laruang bapor, de-baterya. Nakapagpadala din naman ang tiya na nagtrabaho sa Vietnam. Laruang tangke de gera. Naroon pa rin naman ang yoyo ni Kuya. Jolens ni Ate Lucing. View master na bigay ng mga misyonaryo o “manggagawa.” At naroon naman ang asong si King, isang matalinong German Shepherd, bigay ng kaibigan ng Tatay. Naroon din ang tatlumpung pusa ng Inay. Pwede namang kunwari ay may kalaro. Pwede namang kumanta kahit mag-isa. Pwedeng may kausap sa isip.

Sino nga ba si Enyong? Limang taon lamang siya noon. Laging tinatawag na lampa. Bunso sa apat na magkakapatid. Mabait. Masunurin. Maka-ina. Tahimik. Pinagbawalang makipaglaro sa labas ng bahay dahil sakitin, kaya hindi marunong makipaglaro.

Sino nga ba si Enyong? Ang paslit noon. Eto na ngayon, nagsusumikap maisulat ang kwento ng buhay at maitala ang kanyang mga tanong. Si Enyong ang paslit noon. Ako na ito ngayon. Ang tanong, ang búhay ba ay masamang biro?

2 thoughts on “Bunso ng Inay Ko: III – Masamang Biro

  1. Isa pang katanungan na may pagkaka-iba sa katotohanan, bakit “Erning?”

    Ang pagkaka-kilala ko sa iyong tatay ay, “Iyong”. “Ka Iyong”, ang tawag namin sa iyong ama sapul na ako ay magka-malay.

    Masayahin at maingay si “Ka Iyong”, yun ang mga ala-ala ko tungkol sa kanya. May mga ala-ala ako sa kanya, o moment na hindi madaling makalimutan. Yung pinaka ay yung pagmi-miron nya sa Pulpolan nina ka Tentay na kapatid ni Ka Itok. Malakas syang tumawa at napaka-hilig nyang mag kwento.

    Natuwa ako sa kwento mo. Hindi mo ako kilala, sigurado ko dahil sa totoong kwento mo na sobrang protektado ka ng Inay mo. You were truly sheltered growing up.

    Kilala ko kayong lahat, at ng mga kapatid mo. Ka-klase ko si Lucila. Ang alam ko ay nag UPLB din si Carmelita. At si Dante.

    Salamat sa kwento mo na naging pampalipas oras ko sa mga oras na ako ay nasa kalagitnaaan ng kawal-an dahil sa pandemya at nakaka-bagot na araw.

    Like

    1. Maraming salamat po sa pagsubaybay. Sinadya ko pong ibahin ang mga pangalan ng mga tauhan sa aking kwento. Malaki ang pagkakatulad nito sa totoong buhay ngunit kailangan ko ring igalang ang maaaring ibang pananaw ng aking tatlong nakatatandang kapatid na maaaring ang pagkaranas, damdamin, o nabuong kaisipan ay iba kaysa sa akin. Kung sabagay ay malapit-lapit na rin ang Enyong at Erning sa tunay na pangalan namin ng Tatay. Sige po, salamat po uli. Binubuo ko pa po ang sunod na kabanata. Baka po abutin ng sampung kabanata lahat. Ingat po tayo lahat lagi.

      Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s